vanilla

white, plain, unflavored.

A Fictional Story 1

Posted by vanilla on Thursday, 3 July, 2008

“… ihuli mo ko ng ulap…”

Sa dami ng nasabi mo, eto lang ang natira sa kanilang naaalala ko.

Ibinaba ko ang cellphone, at muling isinuot ang headphones. Ewan ko ba, siguro gusto ko lang malunod ang buong mundo sa musika. Ayokong marinig ang ingay nila, ang sigaw ng mga batang naglalaro, sigaw ang mga magulang na sumasaway, ang kwentuhan ng mga taong naghihintay sa eroplano, kwentuhan ng mga tulirong staff sa airport…

Ayokong maalala na aalis na ako, na uuwi na ako…

Sa bawat entrada ng mga kanta, naghihintay akong bigkasin ng bokalista ang lyrics, na alam kong nakikipagsabwatan sa mga rebeldeng nagtatago sa likod ng mga mata ko. Pero matatag ang depensa ng katinuan ko, at nanatiling nakaselda ang maalat na mga patak ng tubig…

Sa isang linggong naglapat ang mga talampakan ko sa bansang pinagsilangan ko, maraming nangyari, maraming binalikan, at may iiwanan…

Sa pader na salamin, nakikita ko na ang eroplano, pumaparada, sinasalubong ng hagdan na de-gulong. Bumukas ang pinto, at isa-isang lumabas ang mga ale, mama, bata, magkaibigan, mag-asawa. Sa paglakad nila sa sementong kalsada, kahit na makakapal ang mga ulap sa langit, bawat isa sa kanila, nakangiti. Sa pagdaan nila sa mga nakahanay na mga silya, kahit ilang metro din ang layo nila sa akin, nararamdaman ko pa rin ang init ng mga ngiti, ang ligayang nakatago sa loob ng mga polo at blouse. Nakakapaso.

Tuloy pa rin ang pagtugtog ng bandang nakatutok sa tenga ko. Sa bawat dampi ng mga daliri sa gitara, sa mabilis at maingay na drums, di ko mapigilang ngumiti. Ngiting di singtamis ng mga chocolate na dala ng mga nakapila, nagdaraan sa gilid ng kwartong ito, kundi mas katulad ng makikita sa lobby sa labas, sa mga naghatid sa mga lilisan, ngiting gaya ng suot ng bokalistang nagmamakaawa sa mga gitarang umiiyak.

May mga kulog na bumagsak mula sa mga ulap. Mukang masmabigat ang hinanakit ng langit kesa sa dalahin ko. Bumuhos ang luha galing sa kalawakan, may halong lungkot, awa, galit; mukang nakikiramay pati ang langit sa sitwasyon ko ngayon…

“… to singapore has been delayed by 45 minutes…”

Medyo mahina ang sound system dito sa airport. O baka naman punung-puno lang ang tenga ko ng mga alaala kaya nahihirapan akong maintindihan ang announcement nung babaeng nasa harap. Pero kahit papano, mukang may awa ang langit sa akin; tatagal pa ako sa bansang ito, kung san iisa ang lupang inaapakan ng mga paa ko, at ng sayo. Kahit papano, tumagal ng 45 minutes ang pakiramdam kong nandyan ka lang, mga ilang oras lang na bus, jeep, lakad, pwede na kitang makita.

Kahit alam kong hindi na talaga pwede.

Nagtayuan ang mga tao, pumila sa makipot na daan sa gitna ng mga nakahilerang silya. May babaeng nagtataas ng kartolina sa harap. Mukang ubos na ang oras ko. Kung meron lang butas sa pader, na pwedeng hulugan ng barya, para tumagal pa ang ulan, siguro inubos ko lahat ng tig-lilimang piso kong wala na naman silbe sa kin ngayon.

“… seats 10 to 20…”

Lumapit ako sa harap, labit ang bag at isang kahon ng donut. Sa labas, wala nang ulan, pero nakatago pa rin ang araw. Panalo pa rin ang mga ulap, at ang tanging ebidensiya ay ang basang alaalang nakabalot sa sementong nilalakaran ko. Iniingatan ko ang bawat hakbang. Ayokong mabasa ang tsinelas ko. Ayokong lamigin ang paa ko sa eroplano. Mga paa ko man lang ay huwag madamay sa lamig na nakakulong sa kaloob-looban ko.

Bago pa man ako naupo sa upuan bilang 13C, inilabas ko na lahat ng mga sandata ko: ipod, libro, psp. Tatlong oras na pakikipaglaban sa mga alaalang di ko dapat isipin, damdamin dapat ibaon sa mga kanta, pahina, at halimaw na tig-wa-one-hundred points ang halaga kapag napatay mo sila…

“… all electronic devices should be switched off during take-off and landing…”

Tinago ko ang mga gamit ko sa lalagyan ng magazine sa harap, maliban na sa librong sana ay tutulong sa akin na malibang, at mailayo ang isip sa pagbabalik-tanaw sa nakalipas na mga araw. Nagawa ko man hawakan ang libro, di ko magawang buklatin ang mga pahina. Inaagaw ng mga ulap sa labas ng bintana ang atensyon ko. Sa pagkatitig ko sa kanila, muli kong naalala ang nabanggit nyang may kinalaman sa mga ulap. Mabilis kong inalis ang pagkatitig ko sa labas ng bintana, at madaling ipinihit ang ulo ko upang ideretso ang paningin, sa headrest ng upuang nasa harap ko, at nang medyo maglinaw ang isip, ay naghanap ng ibang pwedeng pagtuunan ng pansin.

Lahat ng katabi ko ay nakapikit. Ang pagtulog nga naman ang pinakamaganda at kapakipakinabang na gawin sa ganitong pagkakataon, kaya ipinikit ko ang aking mga mata, at unti unting kinumbisi ang sarili ko na dapat akong matulog, kahit na gising na gising ang diwa ko…

Sa pagbalot ng mga talukap sa mga mata ko, sa dilim na ako lang ang nakakakita, muling bumulong ang isang boses mula sa  isang sulok ng isip ko…

“… ihuli mo ko ng ulap…”

Alam kong may  mga luhang umaagos sa mga mata ko, pero sa pagkakataon iyon, ayokong dumilat, at ayokong punasan ang basang testigo sa mukha ko. Wala. Wala na akong nagawa. Wala na akong magawa kundi ang umusal ng isang taimtim na panalangin na sana paglisan ko, tumigil ang mundo, at datnan kita sa pagbalik ko, naghihintay…

Wala na akong makitang lupa sa labas ng bintana, puro na lang mga ulap. Ulap na di alam kung paano hulihin…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: